Thursday, June 4, 2009

Takbo, Manny, takbo

by : Ellen Tordesillas taken from here

Marami ang nagsasabi kay Manny Pacquiao na huwag pumasok sa pulitika. Sa akin naman, sige, Manny, tumakbo ka.

Sa ating sistema ngayon, para maging kandidato kahit anong posisyon sa pamahalaan, kailangan lang naman ikaw ay Filipino citizen, registered voter, marunong magbasa at sumulat. Lahat naman yan qualified si Manny.

May political party na si Pacquiao ngunit sabi ng Comelec, local lang ang accreditation. Ang balita, sa Sarangani tatakbo si Pacquiao para congressman. Walang problema yan dahil ang age requirement para sa pagiging congressman ay 25 taong gulang.

Sa senador, 35 taong gulang ang requirement at sa pagka-presidente naman ay 40 taong gulang.

Sinasabi ko ang pagka senador at pagka-president kasi sinasabi ng Time Magazine na malaki raw ang posibilidad na maging presidente ng Pilipinas si Pacquiao.

Malalamang yan sa 2019. Ano na si Pacquiao sa panahon na yun? Sigurado boxing legend pa rin siya dahil ang narating naman niya ay hindi na yun mawawala. Ngunit magba-boxing pa ba siya hanggang sa panahon na yun? Malamang hindi na dahil siyempre iba na ang katawan niya sa panahon na iyon.

Sinasabi ng sports reporters na dalawang fights pa raw ang nasa plano ni Pacquiao bago mag-retire. Kaya siguro hanggang sa susunod na taon na lang siya magiging aktibo sa boxing.

Kung hindi na siya aktibo sa boxing, kasing popular pa ba siya kaysa ngayon? Depende yan kung paano niya gamitin ang kanyang popularidad at kayamanan.

Kaya gusto ko tumakbo si Pacquiao ay para magkaroon ng re-distribution of wealth. Grabe ang yaman ni Pacquiao. Bilyun-bilyon ang pera. Sa eleksyon, makabahagi lang naman kahit kaunti ang maraming mahihirap sa Sarangani, OK na yan.

Ang balita, ang budget raw ni Pacquiao sa 2010 eleksyon ay P350 milyon. Sa ganyang kalaking pera, kayang-kaya na ni Pacquiao bilhin ang lahat ng botante sa Sarangani.

Baka natuto na siya sa nangyari sa kanya noong 2007 elections kung paano gamitin ang kanyang milyones. Noong 2007 kasi, na-knockout siya ni Darlene Antonino-Custodio kahit na binaha niya raw ng pera ang GenSan dahil kinuha lang ng mga tao ang pera niya at si Custodio ang ibinoto.

Kung mananalo siya ngayon, aba'y mabuti. Siguro puputaktihin yan ng maraming manghihingi ng pera na pupunta sa House of Representatives.

Kaya lang nababahala ako sa bagay na ito. Kung gusto talaga ni Pacquiao na makatulong sa mga mahihirap, bakit gusto pa niya pumasok sa pulitika? Sa yaman niya kayang-kaya niyang magpatayo ng mga kumpanya na makatutulong sa mga mahihirap.

Ang ikinababahala ko ay ang klase ng pulitika na alam ni Pacquiao ay ang nakikita niya sa mga malapit na kaibigan niya na sina Lito Atienza, ang environment secretary, at Chavit Singson.

Wise si Pacquiao. Kung gusto niya itulong ang kanyang P350 milyon ay pwede niyang ipamigay yan sa mga mahihirap. Sa pagtakbo niya sa eleksyon, yan ay magiging puhunan. Kanino niya babawiin yan?

No comments:

Search the Web

Custom Search